| |
Isang
malaking gampaning pambansa ang pagsasalin.
Kailangan ang pagsasalin upang
maipon ang lahat ng kaalaman at karunungan ng
mundo tungo sa wika ng bansa. Sa kaso ng
Filipinas, isang pangunahing pansukat din ang
pagsasalin hinggil sa nagiging antas ng pagsulong
at kaganapan ng wikang pambansa. Hanggang hindi
nakabubuo ng isang aklatan ng mga salin mula sa
iba’t ibang katutubong wika ng Filipinas at mula
sa mga pangunahing wika ng daigdig, mga saling
magtatanghal sa salimuot ng karanasan at
kasaysayang pambansa at sisinop sa pinakadakilang
mga tagumpay ng sangkatauhan, ay hindi pa
maipagmamalaki ang lusog at tatag ng Filipino
bilang wikang pambansa. Hindi ito pagpapatong ng
dagdag na bigat sa balikat ng ating wikang
pambansa. Ibinabatay
ko lamang ang naturang gampanin sa kasaysayan ng
mga wikang kinikilala ngayon
bilang mga wikang pambansa sa daigdig. Sa Europa,
halimbawa, may panahong Latin lamang ang wika ng
sibilisasyon. Subalit kaugnay ng pag-aalab ng
nasyonalismo ay nagkaroon ng mga pagsisikap upang
linangin din ang iba’t ibang wikang pambansa ng
mga isinilang na bansa sa kontinente. At ano
ang naging
kalamangan ng mga kinikilala ngayong wikang
pambansa sa hanay ng mga katutubong wika sa bawat
bansang Europeo? Halimbawa, ano ang katangian ng
tinatawag na English ngayon sa iba pang wika sa
England? Bago kinilala ang English, bukod sa
malusog na panitikan ay may aklatan na ito ng mga
salin ng importanteng akda mula Latin at ibang
wikang Europeo. Isang
simbolo sa kampanya upang palakasin ang English si
Haring Alfred the Great. Noong 871 at maging hari
siya ng Wessex, kalahati ng bansa ay hawak ng mga
Danes. Bukod sa
kaniyang tagumpay para pagbuklurin ang mga rehiyon
ng England, hinahangaan ngayon si Alfred the Great
sa kaniyang mga gawaing intelektuwal upang itaas
ang katangian ng wikang English at hanguin sa
kamangmangan ang mga mamamayan. Kahit matanda na
(40 anyos), nag-aral siya ng Latin para
makapagsalin at iniatas ang pagsasalin ng mga
importanteng akda mulang Latin na ipinakalat niya
sa kaniyang kaharian. Sang-ayon na rin sa kaniyang
pahayag, ginawa niya ito dahil naniniwala siyang
kailangan ang pagsasalin upang mapalusog ang
wikang English at maitaas ang literasi ng kaniyang
nasasakop:
I
remembered how the law was first found in the
Hebrew language, and afterwards, when
the
Greeks learned it, they translated it all into
their own language, and all the other books
as well. And afterwards in the same
way the Romans, when they had learned them,
they translated them, all into
their own language through learned interpreters.
And all other Christian nations
also translated some part of them into their own
language. Therefore it seems better
to me... that we also should translate certain
books which are most necesary for
all men to know, into the language that we can all
understand, and... so that all the youth
of free men now among the English
people... are able to read English writing
well.
Dahil
sa ginawa ni Alfred the Great, nailigtas ang
English sa pagkawasak kahit sa naganap
na Norman Conquest noong 1066. Naging
opisyal mang wika ng pamahalaan at ng mga
maharlika at iskolar ang French, patuloy na
ginamit ng sambayanan ang English. Kaya
unti-unting sumulong ang English hanggang maging
wika ng pagtuturo noong 1350, maging wika ng
Parlamento noong 1399, at gamitin ni Haring Henry
V bilang opisyal na wika ng kaniyang
administrasyon noong 1413-1422.
Ang
tinatawag ngayong French ay nagdaan din sa matagal
na paghubog bago kinilala mula sa orihinal na wika
lamang ng isang rehiyon tungo sa pagiging wikang
pambansa ng France. Ang tinatawag na German ngayon
ay napatangi sa lipon ng mga diyalekto sa Germany
dahil sa paggamit dito ng mga tagasalin. Isang
dapat banggitin ang pagsasalin ni Martin
Luther
sa Bibliya noong 1522 na bukod sa isang
dramatikong yugto sa kilusang Repormasyon sa
Europa ay nagtanghal sa katangian ng German upang
pagsalinan ng Banal na Kasulatan. MAKIKITA NAMAN
natin sa kasaysayan na matagal ang naging
ebolusyon ng mga naturang wika sa Europa bago
nakawala sa Latin. Sa kabila ng pagtangkilik ni
Alfred the Great, ilang siglo pa ang nagdaan bago
naging opisyal na wika ng pamahalaan at edukasyon
ang English. Gayunman, makikita rin na naging
kaagapay sa pagsulong ng English, French, at
German ang pagdami at pagtaas ng uri ng
pagsasalin. Kailangan
din ba nating maghintay nang matagal na panahon
para sa kaganapan ng wikang Filipino? Kapag
sinunod natin ang takbo ng isip ng ilang
mambabatas at eksperto sa lingguwistika ay ganoon
nga ang dapat mangyari. May sarili daw ritmo ang
pagsulong ng wika at kailangang maging natural ang
paglinang dito ng bayan. Kaya bawal na pakialaman,
at lalo na’y bawal idaan sa lehislasyon, ang
pagsulong ng wikang Filipino.
Isa
sa kanila ang nagdeklara na sa ayaw natin at sa
gusto ay mangangailangan pa ng isang siglo bago
kilalanin ang Filipino bilang wikang pambansa.
Hindi ako naniniwala sa mga naturang mambabatas at
lingguwista. Gayunman, totoo
rin
na kapag ibinatay sa kasalukuyang kalagayan ay
hindi lamang isang siglo ang maaaring magdaan bago
magtagumpay ang wikang Filipino. Higit na malakas
ngayon ang gayuma at kapangyarihan ng English at
mahinang-mahina naman ang kilusang maka-Filipino.
Ang katotohanan sa kasalukuyan ang dapat gumising
sa atin upang huwag maniwala sa mga ebolusyonista.
Hindi tayo dapat tumanga at maghintay ng
sansiglo. Hindi
magaganap ang sinasabi nilang ebolusyon at
pagsulong ng wikang Filipino kapag nagtiwala
lamang tayo sa biyaya ng Diyos. Isang patibong ang
naturang pag-iisip upang hadlangan ang magaganda
nang tagumpay ng Filipino at mabigyan pa ng
palugit at pagkakataon ang English na makapaghari
sa katauhang Filipino. Ang sinasabi nilang panahon
para sa ebolusyon ng Filipino ay magiging panahon
lamang para magumon ang sambayanan sa
English. Ang katotohanan sa kasalukuyan ang dapat
magpakilos sa atin upang doblehin ang
pagsisikap
para linangin ang Filipino. Wala tayong maaasahang
Alfred the Great sa ating gobyerno
o Martin Luther sa ating simbahan. Kaya sa halip
tumanga, kailangan nating magkaisa at gumawa ng
malakihang balakin. Sa halip maghintay, kailangan
nating lumikha ng mga paraan at pamamaraan upang
mapabilis ang kaganapan ng Filipino. Maaaring
iplano ang paglinang at pagpapalaganap ng wikang
pambansa. Ginawa na ito
sa pagbuo ng Swedish at sa muling pagbuhay sa
Hebrew bilang wika ng modernong
Israel.
Kailangan natin ang isang pambansang planong
pangwika – isang planong lalahukan ng lahat ng
alagad ng wika ang pagbalangkas, isang planong
pagkakasunduang tupdin ng lahat ng institusyon at
kapisanang pangwika, at isang planong magtatakda
ng malilinaw na target taon-taon para sa bawat
aspekto ng paglinang at pagpapalaganap ng wikang
Filipino. ISANG MAHALAGANG bahagi ng naturang
pambansang plano sa wika ang pambansang programa
sa pagsasalin. Masalimuot at maraming aspekto ang
pagbuo ng naturang programa. Kaya kailangang
lahukan ito ng mga eksperto sa pagsasalin at ng
mga institusyon at samahang
nagsasagawa
na ng pagsasalin. Kailangan din nitong isaisip ang
pangkalahatang pangangailangan
sa iba’t ibang larang ng buhay at iba’t ibang
disiplinang akademiko upang magampanan kapuwa ang
pagsasaling pampanitikan at teknikal gayundin ang
mga kagyat na kahingian sa paaralan, hukuman,
batasan, negosyo, at ibang sektor ng lipunang
Filipino. Samantala, isang magastos na gawain ang
pagsasalin. Sa gayon, importanteng aspekto ng
pambansang programa ang paglalaan ng pondo para sa
mga gastos ng pagsasalin, paglalathala,
at diseminasyon; ang pagkukunan ng naturang pondo
bukod sa taunang badyet ng
ahensiyang pampahalaan; ang mga paraan ng sosyohan
o pagtutulungan ng pribadong institusyon; at ang
paglalatag ng priyoridad upang magamit nang husto
at matipid ang limitadong badyet. Isa
pang mahalagang aspekto ng pambansang programa ang
edukasyon at propesyonalisasyon ng
tagasalin. Kung maaari, kailangan ang mga kurso sa
kolehiyo upang makapag-aral ang mga nais magsalin.
Kailangan din ang regular na palihan at sanayan
kapuwa para sa mga baguhan at mga beterano upang
patuloy na maitaas ang antas at uri ng
pagsasalin,
pampanitikan man o teknikal. At higit sa lahat,
kailangan ang isang ahensiyang
opisyal
na mangangasiwa sa pagsusulit at pagbibigay ng
lisensiya sa mga propesyonal na tagasalin. Ang
ahensiyang ito rin ang maaaring magpalabas ng mga
gabay at patnubay upang maitaguyod ang maingat at
estandardisadong pagsasalin, lalo na sa peryodiko,
radyo’t telebisyon, at iba pang ugnayang
pangmadla. Nabanggit
ko na ang paglalatag ng priyoridad kaugnay ng
mahusay na paggamit ng pananalapi. Ngunit
kailangan din ang priyoridad upang magamit nang
husto ang limitado pang hukbo ng tagasalin sa
buong bansa at upang higit na mapagtuunan ng
talino’t pagod ang mga gawaing may mabilisang
impact, ang ibig sabihin, yaong makapagpapataas sa
pagpapahalaga ng madla hinggil sa pagsasalin at
yaong makaaakit ng pansin ng mga lider
at
institusyong posibleng tumulong sa programa.
Bahagi
ng paglalatag ng priyoridad ang pagpili ng mga
akdang dapat unang isalin. Dito nakalalamang ang
pagsasalin ng mga akdang gamit sa paaralan at ang
mga polyetong naglalaman ng gabay sa hanapbuhay at
industriya. Nasa paglalatag din ng priyoridad
ang patakaran
sa wikang pagsasalinan, gaya ng patakaran ng Lupon
sa Wika at Pagsasalin ng NCCA
na nagdidiin sa pagsasalin ng panitikan mula sa
mga wikang katutubo at banyaga tungo sa wikang
Filipino kaya’t hindi gaanong inaasikaso ang
pagsasaling teknikal gayundin ang pagsasalin mula
sa wikang Filipino tungo sa mga wikang katutubo ng
Filipinas o mga wikang pandaigdig. Sa isang
pambansang programa, maisasangkot naman ang ibang
kapisanan o institusyon sa naturang mga gawaing
hindi saklaw ng priyoridad ng NCCA.
Ang
pagsasalin lamang ng mga akdang pampanitikan ay
isang higanteng tungkulin kaya’t mangangailangan
kahit ang NCCA ng ibang katuwang na samahan upang
matupad ito. Bukod naman sa propesyonalisasyon at
pagtataas ng bayad sa tagasalin ay kailangan ang
iba pang insentibo upang lumaki ang hukbo ng
tagasalin at tumaas ang antas ng pagsasalin.
Kailangan ang isang tanging gawad para sa
katangi-tangi’t huwarang tagasalin
at
isang regular na gantimpala upang itanghal ang
mahuhusay na saling pampaanitikan at
teknikal
taon-taon. Bukod pa, kailangang agapayanan ang
pagsasalin ng pagsusuri, halimbawa’y sa
pamamagitan ng isang journal ng kritisismo at
pag-aaral sa pagsasalin. Ang totoo,
kailangang-kailangan na ang pagsusuri upang
matalakay ang kapuna-punang kahinaan ng mga
nalathala nang salin at matugunan ang mga
karaniwang problema sa pagsasalin sa wikang
Filipino. Hindi tataas ang uri ng pagsasalin kapag
hindi ito nilapatan ng angkop na
pamantayan
sa pagsusuri at saliksik. Ilang
bagay lamang ito upang makatulong sa inyong forum
at palihan. Sa dulo, wala tayong ibang adhika
kundi maitanghal ang kakayahan at kaakuhang
Filipino. Sa pamamagitan ng
pagsasalin, mithi nating ipakita na ang wika ng
ordinaryong mamamayan ng Filipinas ay
kapantay
ng English, French, German, Niponggo, at alinmang
wika ng karunungan sa daigdig sa pagpapahayag ng
pinakadakila at pinakamatulaing damdamin o
kaisipan. Mithi natin sa lalong maikling panahon,
kung ipahihintulot ng pagkakataon, na ang wikang
Filipino ay magmistulang isang dakilang dagat na
dinadaluyan ng lahat ng ilog at agos ng karunungan
sa buong mundo.
|