| |
Repetisyon ang isa sa mga
pangunahing elemento sa maraming larangan,
kabilang na ang wika. Reduplikasyon ang teknikal
na tawag dito ng mga lingguwista. Sa Filipino,
maraming nagagawang kahulugan sa pamamagitan ng
pag-uulit ng mga pantig. Nakakalikha ang
reduplikasyon ng kahulugan sa halos lahat ng
aspekto: morpolohiya, panahunan, pluralidad,
relatibong katangian, at iba pa.
Bahagi
ito ng pagbuo ng mga salitang ugat sa Filipino.
Wala tayong salitang “paro,” “pak,” “tak,” “bay” o
“dib” pero kapag inulit ang mga ito, lilitaw ang
mga salitang napakapamilyar na sa atin. Kaya nga
hindi maubos-maisip na mawala ang reduplikasyon
bilang batayang elemento ng ating wika. Paano na
lang ang mangyayari sa panahunan kung ipagbawal
ito? Napakahirap yatang ipahayag ang future tense
na walang reduplikasyon. Ito kasi mismo ang paraan
ng pagpapahayag ng aksiyong gagawin pa lamang.
Ulitin lamang ang unang pantig ng salitang pandiwa
at maikakabit na ang elementong panghinaharap:
takbo – tatakbo, kain- kakain.
Sa
ilang pagkakataon, ang konsepto ng maramihan sa
Filipino ay naipapahayag din sa reduplikasyon.
Halimbawa, sapat nang sabihin na “magagandang
babae” para maipahayag ang maraming tinutukoy.
Hindi na kailangang gumamit ng “mga” dahil
kakulitan na ito, o pagkakamaling gramatiko. Higit
na litaw ang reduplikasyon bilang impleksiyon ng
pluralidad sa Iluko. Sa Filipino, kailangang
gamitin ang “mga” para maipahiwatig ito.
Halimbawa, matutumbasan ang “mga bahay” ng
“balbalay.” Kailangang ulitin lamang ang unang
pantig. Ganito ang nangyayari sa “mga aso” =
“as-aso” at “mga tao” =
“tattao.”
Higit
na malikhain ang reduplikasyon sa Filipino
pagdating sa signipikasyon ng antas ng pantangi,
lalo na sa aspekto ng relatibong katangian. Para
maipahiwatig halimbawa ang digri ng tingkad o
pusyaw ng kulay, gagamitin ang reduplikasyon.
Halimbawa, kung nais ilarawan na hindi masyadong
maitim ang isang bagay, puwedeng sabihin na ito’y
“maitim-itim.” O kung bahagya lamang ang
pagkapula, masasabi namang ito’y “mapula-pula”
(mamula-mula). O kung sa kabilang tindi naman,
masasabi ang paglalarawang “pagkaitim-itim” o
“pagkapula-pula.” Kung sa edad naman, katumbas ng
hindi masyadong matanda ang “bata-bata.” Pero kung
kabaligtaran ang gustong sabihin, gamitin lamang
ang “tanda-tanda.” Makikita pa natin ang
relatibong pagtatangi sa “ganda-ganda” o
“pangit-pangit.”
Talagang
kapaki-pakinabang sa atin-atin itong
pag-uulit-ulit ng mga pantig-pantig at
sali-salita. Nalilito tuloy ang mga banyaga sa
usapang ganito: Konduktor: Bababa ba? Pasahero:
Bababa.
|