|
Dagdag-Bawas
Ni
Romulo P. Baquiran, Jr.
Sinasabi na pinadadaloy ng matematika ang mundo. Lahat
ng kilos natin, sa totoo lamang, ay nakabatay sa
prinsipyo ng matematika. Kasama sa kakayahan ng
sibilisadong tao ang kakayahang magbilang nang tama,
makakita ng kaugnayan ng bahagi sa kabuuan, at makakita
ng padron sa mga pangyayaring naoobserbahan sa paligid.
Samakatwid, mahalaga ang matematika upang maunawaan ang
daloy at kalikasan ng mundo. Kasama na rito ang
pag-unawa sa lipunan.
Nais ng tao na marating sa at mapanatili ang kaayusan.
Dito nakabatay ang kaniyang lipunan. Kapag nakakita siya
ng anomalya at hindi niya ito makompone, nagugulo ang
kaniyang konsepto ng kaayusan at kagandahang-asal.
Kapag may dagdag-bawas a inaasahang
normal, hindi siya mapakali. Alam niyang may mali. Saan
mang larang ng kaniyang buhay kapag nangyari ito, dapat
na may gawin siya para maiwasto ang lumilihis na mundo.
Ang eleksiyon na pangunahing ekspresyon ng demokratikong
lipunan ay itinuturing na sagrado. Sa pamamagitan ng
eleksiyon ay naipapahayag at naririnig ang boses ng
bayan. Dito niya naipapaalam ang kaniyang pagpapasiya
kung sino ang kakatawan sa kaniyang pampolitikang
kapangyarihan at karapatan, kung sino ang
magsasakatupran sa kaniyang kontribusyon sa pagpapadaloy
ng lipunan.
At sa sektor ng mga kasangkot sa politika, alam nilang
ang eleksiyon ang instrumento upang makapaglingkod sa
bayan. O kaya ay magkamit ng kapangyarihan. At gagawin
ng may ambisyon ang lahat para makuha ang kapangyarihang
ito.
Sa eleksiyon ng mga senador, malas ng kandidatong
mapupunta sa ikalabintatlong puwesto. Kasi labindalawa
lamang ang kasama sa magic circle. Kapag panlabintatlo
ka,
tsugi ka. Noong 1995 senatorial elections, si Aquilino
Pimentel ang panlabintatlo. Panlabindalawa si Juan Ponce
Enrile. Nagreklamo si Pimentel na biktima siya ng
sistemang dagdag-bawas. Batay sa matematika, biktima
siya ng bawas.
Pero siyempre, kailangan ng ebidensiya. Ito ang mahirap
hanapin at patunayan. Sino ba ang gustong mahuli sa
pandaraya? Wala. Sino ang gustong mahuli ang mandaraya?
Pangunahin na iyong nadaya. At sa prinsipyo ng
extension, higit na nadaya ang mga mamamayang bumoto sa
karapat-dapat na kandidato.
Sabwatan ang nangyayari sa dagdag-bawas. May
badyet na malaki para sa mga opisyal ng Comelec na
makikipagkutsabahan sa mayamang politiko. Milyon ang
usapan. Sa rehistrasyon pa lamang ay pinapalamanan na ng
kasangkot na opisyal ang bilang ng botante. Inilalagay
sa listahan ang mga yumao na at ang mga wala sa gulang
para bumoto. Nagbabayad ng mga flying voter at double
registrant para dumami ang bilang ng tao sa isang
distrito. Dagdag iyan. Sa araw naman ng eleksiyon,
marami ang nadidisenfranchise. Bawas iyan. Tapos,
magbabayad ng mga maton para manggulo sa araw ng
bilangan na balota. Kapag nagtakbuhan ang mga tao, pasok
naman ang magdodoktor sa certificate of canvass. Ang
gulo. Ito ang politika sa Filipinas at parang karaniwan
na para sa maraming Filipino.
Sa pagtutuos, 2.5 porsiyento ang bilis ng ating pagdami
ng populasyon. Pero may mga distrito sa Mindanao na
lumalaki nang hanggang 70 porsiyento ang dami ng
populasyon. Kaya madaling makita ang mga distritong may
nangyayaring dayaan. Kailangan lamang ihambing ang mga
registered voter at dami ng boto sa CoCs (certificate of
canvass) para makita ang mga di-pagtutugma.
Pero sa dinami-dami ng mga kaso ng dagdag-bawas na
isinampa sa korte, isa lamang ang napatunayang totoong
nangyari. Ito ang kaso ng isang canvasser sa Pangasinan
na nahuling nagbawas ng 5,000 boto mula sa nakuha ni
Senador Aquilino Pimentel noong 1995. Nasentensiyahan
siya ng anim na taong pagkabilanggo noong 2000, limang
taon pagkaraan ng pagbabawas na ginawa niya. Ang tagal
ng resulta. Hindi na naipagpatuloy ang ibang kaso.
Natatakot din kasi ang mga huwes na masangkot sa mga
kasong ganito. Mainit at delikado.
Pero ang sabi nga, kung walang maglalakas-loob na
labanan ang sistemang ito na sinasabing nariyan na sa
loob ng tatlong dekada mula pa noong dekada 1970, walang
mangyayaring pagwawasto sa malaganap na korupsiyong ito.
Isang pasimula at patunay ang kaso sa Pangasinan na
maaari namang mahuli ang mga kasangkot sa dagdag-bawas.
Kapag hindi ito pinursigi, sadyang hindi maigagalang ang
ating politika. Kundi may dagdag, may bawas. Hindi natin
maisasakatuparan ang tunay na demokrasya kung ganito
nang ganito ang mangyayari. Kaya napakahalaga ng
salitang dagdag-bawas para palagian nating maaalala ang
pagsisikap ng bayan na maisakatuparan ang ideal ng
demokratikong lipunan at buhay para sa Filipino. |