| |
“Wika ang artsibo ng kasaysayan,” nawika noon ni
Ralph Waldo Emerson. At idaragdag kong taglay ng
wika ang kasaysayan, ang kultura, at ang
ideolohiya, na maaaring kisapmatang maglaho,
kahit sa artsibo ng ating mga alaala.
Hindi lamang uri ng hayop o sarì [species] ng
halaman o lahi ng mga tribung minorya, ang
mabilis na nabubura sa daigdig. May panganib na
ganap mawala din ngayon sa gunita ng
sangkatauhan ang mga katutubong wika ng iba’t
ibang bansa. Batay ang obserbasyong ito sa
pag-aaral at pag-uugnayan ng UNESCO, Discovery
Communications, at UN Works Programme.
Tinukoy ng UNESCO ang 18 nanganganib na wika at
kung saan matatagpuan ang mga ito, sa tulong ng
mga eksperto at gobyernong sangkot dito.
Kabilang sa agaw-buhay na wika ang Scots Gaelic
(Scotland); Saami (Sweden); Karaim (Lithuania);
Istro-Romania (Croatia); Haida (Canada);
Kadazandusun (Malaysia); Ainu (Japan); Sharda
Script, Lepcha, at Idu Mishmi (India); Kayan
Murik (Malaysia); Cucapa (Mexico); Tobas
(Argentina); Naso (Panama); Itza Guatemala; ‡Khomani
(Africa); Baka (Gabon); Bunuba (Australia).
Delikadong hindi na mabása o marinig pa ng
bagong henerasyon ang wikang Karaim, na may 50
tao na lamang ang natitirang nakapagsasalita
nito. Sa Hokkaido, Japan, ang nakapagsasalita o
nakaiintindi ng Ainu ay aabot lamang sa 150 tao,
samantalang may 100 tao na lamang ang
nakapagsasalita ng Bunuba. Sa South Africa naman
ay 23 tao na ang natitirang nakapagsasalita ng
wikang ‡Khomani.
Hindi na tayo kailangang dumako pa sa ibang
bansa. Dito sa Filipinas, ilan sa mga
nanganganib na wika ang Agta (Palawan at Luzon);
Itawis (Cagayan); at Karao (Benguet).
Mababanggit din ang Sinama, ang wika ng pangkat
etnikong Sama, na ang malaking bilang ay nasa
Zamboanga Peninsula, Sitangkai, at Tawi-tawi.
Nakapaloob sa Sama ang tinaguriang “Sama Laut”
na kilala rin bilang “Bajaw,” “Bajau,” “Badjao,”
o “Orang Bajau.” Kaanak din ng Sama ang Jama
Mapun ng Isla Mapun.
Napakakulay ng mga wika sa Filipinas. At bawat
wika ay karga ang kasaysayan at kultura ng bawat
lipi. Kung mawawala ang wika, marahil ay hindi
malayong mabura rin ang kasaysayan o kultura ng
lipi. Marahil, ni wala nang taga-Maynila ang
nakaririnig o nakababasa pa ng mga wikang gaya
ng Agutayanen o Bagobo, Bantoanan o Bilaan,
Buntuanon o Kalagan. Tanging
UP Diksiyonaryong Filipino (2001) na
lamang ang may lakas ng loob na itala ang mga
salitang mula sa Cuyonen, Higa-onon, Kankanaey,
Tagbanwa, Tausug, Tiboli, Tiruray, Yaka, at
Zambal, at iba pa.
Malaki ang responsabilidad ng mga intelektuwal
na Filipino sa iba’t ibang lárang na payamanin
ang ating mga wika. Maaaring simulan ito sa
pasulat o pabigkas na paraan, sa pang-araw-araw
na transaksiyon o komunikasyon, at sa pagtatala
ng mahahalagang impormasyon o pagsasalin ng
literatura habang gamit ang sariling wika. Hindi
dapat ikahiya ang paggamit ng Ibaloy o Ilonggo,
sa gitna ng malaganap ng paggamit ng Ingles.
Mamamatay lamang ang mga wikang katutubo kung
tayo mismo ay susunod na lamang sa wika ng
globalisasyon, at maging piyon sa gaya ng
international call center.
Matagal na nating sinisisi ang Ingles bilang
wika ng kolonyalismo, ngunit ang totoo’y malaki
rin ang pagkukulang ng ating mga intelektuwal na
gamitin ang sariling wikang pambansa sa gaya ng
batas, arkitektura, negosyo, agham, medisina, at
matematika. Halimbawa, Ingles ang pinamamayani
sa kongreso kahit balu-baluktot ang gramatika o
palaugnayan [syntax] ng Ingles ng ating mga
kongresista. Lalo lamang nagmumukhang tanga ang
mga butihing mambabatas sa wikang kinakapa
nila.
Sina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang
mabuting halimbawa noon ng mga intelektuwal na
gumamit ng wikang Tagalog na bukod sa diskurso
ng mga Ilustrado-prinsipales. Hindi pumaloob
sina Bonifacio at Jacinto sa “nasyon” ng mga
repormistang ilustrado, bagkus ginamit ang
“Inang Bayan” o “Haring Bayang Katagalugan.”
“Katagalugan” ang tinukoy nila bilang isang
bansang nagsasarili, imbes na “Filipinas” ng mga
propagandistang sipsip sa Espanya. “Himagsikan”
naman ang ginamit nina Bonifacio at Jacinto, na
iba ang pakahulugan at diskurso sa “rebolusyon”
ng mga propagandistang gaya ni Jose Rizal. Higit
sa lahat, “Tagalog” ang wikang dapat mabatid ng
karaniwang mamamayan, at hindi “Espanyol” na
wika ng mga ilustrado.
Kailangang kumilos na tayo upang mapanatili
kahit man lang ang ating mga katutubong wika sa
Filipinas. Huwag tayong maniwala na ang ating
wika ay laan lamang sa tsismis, kabalbalan, o
kabaklaan, gaya ng inihahayag sa mass media.
Huwag na nating hintayin ang tulong na magmumula
sa UNESCO at UN. Huwag na rin tayong umasa sa
mga ahensiya ng gobyerno, gaya ng NCCA o KWF,
dahil ang kaligtasan ng ating wika ay hindi
malulutas ng gobyerno, bagkus ng bawat
Filipinong may malasakit sa ating ugat at
kabansaan.
Maniwala tayo na ang ating mga wika ay nakatakda
para sa dakilang panitikan at karunungan.
|