| |
Unti-unting
naglalaho sa akademikong kurikulum mulang
elementarya hanggang hay-iskul ang panitikan,
ngunit waring hindi nababahala ang mga awtoridad.
Marahil, naiisip din nilang wala naman talagang
halaga ang panitikan sa ating buhay, at isa
lamang iyong paraan ng pang-aliw sa sinumang
nababato’t walang magawang tao. Ngunit ibig kong
maghain ng ilang argumento—kaugnay ng unang
binanggit ni Mario Vargas Llosa— hinggil sa bisa
ng panitikan upang mabuhay.
Panitikan ang magbubukas sa atin ng
paningin. Kung ang mga lárang, gaya ng medisina,
inhinyeriya, batas, ekonomiya, at estadistika ay
sumasapit sa yugto na labis na espesyalisado ang
mga kodigo, wika, at panuto tungo sa
pinakamaliliit na bagay—at nagdudulot upang
pagpangkat-pangkatin ang mga tao—ang panitikan
sa kabilang dako ay humahatak sa mga tao na
tingnan ang daigdig sa kabuuan. Sa panitikan,
matututo tayong makibahagi sa damdamin, iniisip,
o nilulunggati ng ibang tao saanmang bansa’t
anumang panahon ang kaniyang kinalalagyan.
Basahin
si Francisco Balagtas ang mauunawaan natin ang
bait at katwiran sa gitna ng panlulupig at
kaapihan. Basahin si Jose Rizal at mauunawaan
natin ang lipunang batbat ng lagim at rebelyon.
Basahin si Aurelio Tolentino, at mauunawaan
natin ang mga pagtutol sa mga relihiyong
bumubulag sa isip at lumulumpo sa loob ng mga
deboto. Basahin si Lope K. Santos, at mauunawaan
natin ang makamandag na halina ng sugal. Basahin
si Rio Alma, at mababatid natin ang
kapangyarihan ng pagbabalik sa minulan at
pagbubuo ng bagong Filipinas.
Mabisa
ang panitikan sa pag-arok ng sukdulan ng
pag-ibig, sex, at erotika, kung hihiramin ang
dila ni Llosa. Ang mga tao na pulos basurang
nobeleta ang binabasa o nahirati sa telenobela
ay mauuwi sa makitid na pagtanaw sa sex at
pagmamahal, at hindi malalayo sa hayop. Ngunit
makapagdudulot naman ng pambihirang libog at
guniguni ang mga klasikong akda, halimbawa na
ang mga tula nina Pablo Neruda, Luis de Gongora,
at Charles Baudelaire; at mahihigop tayo
papaloob sa makukulay na daigdig at langit o
impiyerno nina Marquis de Sade, Leopold von
Sacher-Masoch, at Dante Alighieri. Sabi nga ni
Llosa, ang mag-asawang mahilig sa literatura ay
malalim kung umibig at makipagtalik kaysa
karaniwang mamamayan.
Taliba ang panitikan, at mauunawaan
natin ang propaganda na ipinalalaganap ng mga
tiwaling institusyon o administrasyon.
Mapaghuhunos tayo ng panitikan upang maging
maingat sa prehuwisyo, at umiwas sa baluktot na
pagtingin hinggil sa lahi, kasarian, paniniwala,
at pandurusta. Higit nating mauunawaan ang
nilalaman ng Saligang Batas at ng Batas Militar
kapag hinalungkat ang mga nobela, tula, at dula
na pawang nalathala noong dekada 1970-1990, at
pinag-aralan ang satirikong sanaysay ng gaya
nina Adrian Cristobal, Chitang Nakpil, at Nick
Joaquin.
Hahatakin tayo ng panitikan tungo sa
madilim ngunit kapana-panabik na nakaraan, at
ipagugunita sa atin na kahit may sariling lunan
ang panitikan at ang kasaysayan, maaari ding
magsalikop ang dalawa tungo sa kagila-gilalas na
kabatiran. At ang mga tao, na nakibahagi sa
gayong karanasan sa pamamagitan ng pagbabasa, ay
nagkakaroon ng panibago’t sariwang pag-unawa
hinggil sa kaniyang sarili, sa kaniyang kapuwa,
sa kaniyang bansa, at sa kaniyang diyos.
Pinadadakila ng panitikan ang isang
bansa, at higit na nagiging kapaki-pakinabang
ang wika. Sa pamamagitan ng mga tula, awit,
nobela, kuwento, at dula ay umangat sa mataas na
antas ang Tagalog, at naging saligan ng Filipino
bilang wikang pambansa. Mula sa panitikan, ang
Filipino ay pinakinabangan na rin ng iba pang
lárang, gaya sa Batas, Matematika, Pilosopiya,
at Agham at Teklonolohiya, at higit na ngayong
epektibong panturo sa mga mag-aaral kaysa
Ingles. At kinikilala na rin ngayon ang mga
manunulat na Filipino na nagsusulat sa Filipino
doon sa ibang bansa, bagaman hindi sila
kasintanyag nina Manny Paquiao at Precious Lara
Quigaman.
Ang maalam sa panitikan ay hindi
lamang lumalawak ang bokabularyo, wika nga ng
batikang mangangathang Llosa, bagkus lumalawak
din ang imahinasyon. Nakapagsasalita tayo nang
maayos at malinaw dahil sa panitikan, dahil ang
mga konsepto natin ay hindi maibubukod sa mga
salita. Maibubulalas natin ang ating loob sa
maririkit na pananalita, na mabibigong hulihin
sa retrato, sayaw, pelikula, at pintura. Higit
na epektibong mambabatas noon sina Francisco
Tatad at Blas F. Ople dahil hindi lamang maalam
sila sa batas, kundi malalim din ang pagkaunawa
nila sa Filipino at panitikan ng daigdig.
Higit sa lahat, pinatatalas ng
panitikan ang isip ng tao. Malimit naaapi ang
mga dukha’t kulang-palad dahil hindi sila
nakalalasap ng matitinong panitikan mula sa mga
paaralan, aklatan, at tindahan. Samantala’y ang
tao naman na bukás sa sari-saring panitikan ay
mauunawaan ang kultura ng korupsiyon, ang
diktadura ng makabagong balatkayo, at ang neo-kolonyalismo
sa antas ng United Nations—sa panahong ang itim
at ang puti ay malabo ang hanggahan ng
pagkakakilanlan.
Isang
kaululan kung gayon kung paniniwalaan ang mga
kongresista at senador na gawing Ingles ang
midyum ng pagtuturo sa Filipinas. Higit na
makatutulong sa bansa kung aatupagin ng nasabing
mga mambabatas ang pag-usisa sa kurikulum ng
DepEd, at ang pagpapalaganap ng panitikan at
wikang Filipino, kaysa tila maging bayarang
tinig lamang ng mga international call center. |