|
Malugod ko pong ipinaaabot
ang aking pagbati at pakikiisa sa inyo sa okasyong ito
ng Unang Pambansang Kongreso ng Sanggunian ng mga
Unibersidad at Kolehiyo sa Filipino (o SANGFIL).
Bawat isa sa mga layuning
nais isulong ng SANGFIL–ang pagpapalaganap sa Filipino
bilang wikang panturo, bilang opisyal na wikang
pantalastasan, at wikang pangkabuhayan, at bilang midyum
sa agham, teknolohiya, kalakalan at industriya–ay
itinuturing kong mga layunin ko rin. Nakahanda akong
kumilos na kasama ninyo upang makamit ang mga layuning
ito lalo na sa madaling panahon.
Gayunman, kung ano ang
pinakamabisang paraan para higit tayong makalapit sa
ating mga mithiin ay bagay na hindi ko pa ganap na
napag-isipan. Ako’y nababahala na baka wala akong
maibahagi ngayong hapon na makapaglilinaw sa ganitong
praktikal na problema.
Pikit-mata kong tinanggap
ang imbitasyong ito sapagkat naakit ako sa pamagat ng
ating kumperensiya: Politika ng Wika, Wika ng Politika.
Akala ko alam ko na ang kahulugan ng mga katagang ito,
hanggang sa mapag-isipan kong mabuti. Ngayon, nagsisisi
ako kung bakit ako pumasok sa masalimuot na lunggang ito.
Pero, bahala na.
Politika
ng Wika
Kailanma’y hindi naging
neutral o inosenteng larangan ang wika. Ang komunikasyon,
ayon sa mga pilosopo ng Frankfurt School, ay isang
larangan ng dominasyon. Ang wika ay nagsisilbing
instrumento ng pagkontrol sa kamay ng mga
makapangyarihan, at instrumento naman ng pakikibagay o
pag-iwas at pagtutol sa parte ng mga biktima ng
kapangyarihan. Hindi nakapagtataka, kung ganoon, na
pagkatapos na pagkatapos ng tagisang militar, ang laging
kasunod ay ang tagisan ng mga wika. Katunayan, ang mas
mahabang proseso ng pagpapaamo ay nagaganap sa larangan
ng wika. Masdan, halimbawa, kung paano ginamit ng mga
Kastila ang ating mga katutubong wika bilang sisdlan ng
kanilang mga pinakaunang isinaling mensahe. Masdan rin
kung paano hinuli ng mga Amerikano ang ating diwa’t
kamalayan sa pamamagitan ng pagkalat ng Ingles. At
ganoon din ang mga Hapon, Bagama’t ngayon pa lamang
lumilinaw ang papel ng wika sa kanilang pangkalahatang
estratehiya para sakupin ang buong Silangang Asya noong
dekada kuwarenta. Ayon sa isang masteral thesis na
isinulat ni Yolanda Alfaro-Tsuda para sa UP, hindi pa
man nagsisimula ang giyera ay nakapagsagawa na ang mga
Hapon ng malalim na pagsusuri sa ating pangunahing wika
upang mula rito’y mabalangkas nila ang isang patakaran
para sa mabisang pagtumba sa Ingles bilang dominanteng
wika sa Pilipinas.
Ang politika ng wika ay
isang perspektiba na sumusuri sa mga epekto sa wika ng
tagisan ng kapangyarihan. Angko na angkop ang ganitong
perspektiba sa pag-unawa ng patakaran ng wika sa
sitwasyong kolonyal. Ipinakikita nito, halimbawa, ang
malalalalim na motibong politikal na nakakubli sa mga
pinaka-inosenteng desisyon tungkol sa mga patakarang
pangwika. Na ang mga ito’y hindi lamang simpleng
pagsunod sa lohika ng mabisang komunikasyon, kundi
manipestasyon ng isang malawak na estratehiya ng
paglupig o dominasyon..
Marami nang pag-aaral ang
naisulat ayon sa pananaw na ito. At marahila kalabisan
nang ulitin ang mga ito sa pagkakataong ito. Mas gusto
kong bigyang pansin ang mga kahulugang ipinahihiwatig ng
mga salitang “Wika ng Politika”, ang kabilang pisngi ng
ating tema.
Wika ng
Politika
Sa aking palagay, higit pa
sa kumbensiyonal na pakahulugan sa politika bilang
eleksiyon o rebolusyon ang tinutukoy dito. Mas malawak
ang kahulugan ng politika bilang isang larangan ng buhay.
Saanman may pagpupunyagi o pagkilos na makalikha ng
epekto, doon ay may “will to power” o pagkukusang
makapangyari. Ito’y larangan ng politika. Sa madaling
salita, hindi kailangang magkaroon ng hayagang paniniil
para masabi nating ito’y politikal. Kadalasan, ang
epekto ng kapangyarihan ay eksklusyon o pagbaon sa limot.
Hindi kailangan na laging may tiyak na awtor na nagplano
ng estratehiya ng paglupig para masabi nating ito’y
politikal. Kadalasan, ang mga pangyayari’y hindi
sinasadya, o produkto lamang ng mahabang serye ng mga
pangyayaring walang iisang may akda.
Sa aking palagay ang
sitwasyong pangwika sa ating lipunan sa kasalukuyan ay
maaari nating tingnan mula sa ganitong punto de bista.
Bagama’t hindi maitatanggi na nagkaroon, ng
sistematikong programa para, mangibabaw at palaganapin
ang wikang Ingles sa sting lipunan, hindi ito ganap na
ipinaliliwanag kung bakit nabusabos nang ganyan ang
ating sariling mga wika, at kung bakit nahihirapang
maigpawan ng Filipino ang mga sagka sa pag-unlad nito.
Larangan pa rin ito ng politika, subalit mabibigo tayo
marahil kung ang ating hahanapin ay isang indibidwal,
grupo, o uri na may pakana sa lahat nmg ito. At marahil,
kung nais nating mabago ang sitwasyon sa isang
mapagpasiyang paraan, ang hinahanap natin ay higit pa sa
isang bagong opisyal na patakarang pangwika kundi isang
bagong praktis na ginagabayan ng isang malakas na
hangaring makapangyari. Upang ganap na maunawaan ang
aking sinasabi, hayaan niyong banggitin ko ang aking
karanasan sa telebisyon.
Taliwas sa inaakala ng
marami, hindi po ako pumasok sa telebisyon at nangahas
na gumamit ng wikang Filipino bilang midyum ng seryosong
talastasan upang kusang tumulong sa pagpapalaganap o
pagpapayaman sa atng pambansang wika. Isang masuwerteng
aksidente lamang po ang aking paggamit ng Filipino sa
aking programa.
Wala sa aking plano o
pinirmahang kontrata na maging kampeon ng paggamit ng
Filipino sa mass media. Katunayan, ang pamagat ng aking
programa, hanggang ngayon, ay sa wikang Ingles. Truth
Forum noong una, Public Forum ngayon. Kung alam ko lang
mula sa umpisa na magiging talk show pala ito sa wikang
Filipino, hindi siguro ako pumayag maging host ng
programang ito, at wala sana ako sa harap ninyp bilang
isang masugid na tagapagtaguyod ng wikang Filipino.
Totoo nga nakung minsan, ang isang maliit na hakbang sa
buhay natin ay nagbubukas para sa atin ng isang buong
larangang hindi natin inaasahan. Mahirap sabihin kung
minsan kung tayo nga ba ang may akda ng ating pagkilos,
o tayo lamang ang epekto ng iba’t ibang pagkilos o
nagkasunod-sunod, mga pagkilos na walang iisang
intensiyon.
Halos buong buhay ko bilang
isang estudyante at bilang propesor ay aking inilaan sa
pagbabasa, pagsusulat at pagsasalita sa wikang Ingles.
Sapul sa pagkabata, ang wika ng aming pamilya ay
Kapampangan. Nakakaintindi kami ng Tagalog, nagbabasa
kami ng komiks sa Tagalog, nanonood ng pelikulang
Tagalog, at nakikinig sa programang Tagalog sa radyo.
Subali’t Kapampangan ang salitang gamit namin, hindi
Tagalog at lalong hindi Ingles. Ang Ingles ay
pang-declamation lamang, pang-displey kumbaga, isang
bandera ng iyong pagka-edukado. At ang Tagalog ang
wikang ginagamit sa mga love letter.
Kailanma’y hindi ko
pinroblema ang alinman sa ating mga wika; ang sadyang
pinroblema ko ay ang wikang Ingles–sapagkat wari’y
napakahirap i-master ito, at iilan lang ang may
talentong humawak sa wikang ito. Lumaki ako sa
paniniwala na ang Ingles ang wika ng mga edukado, ng
mayayaman, ng makapangyarihan at ng mga respetado sa
mataas na lipunan. At sino ang ayaw maging bahagi ng mga
hanay na iyon?
Sa probinsiya, kung saan
ako nag-elementarya at naghay-iskul, nahilig ako sa
pagbabasa ng mga komiks at mga magasing tulad ng
Liwayway at Bulaklak. Wala itong kinalaman sa pagiging
makabansa o pagka-Filipino sapagkat hindi ko natatandaan
na ito’y naging isang punto ng pagpapasiya para sa akin.
Bahagi lang talaga ng aking mundo sa pang-araw-araw.
Ang sabi ko nga, ang
talagang pinagsadyaan ko ay ang wikang Ingles. Nagbasa
ako ng maraming libro sa Ingles upang matutunan ang
lengguwaheng ito; pangalawa na lamang siguro ang anumang
kasiyahang maidudulot ng aking pagbabasa. Pag-aaral para
sa akin ang pagbabasa ng Ingles, hindi bahagi ng aliw o
pamamahinga.
Sa kabilang banda, ang
Kapampangan sa akin ay wikang sinasalita lamang o midyum
ng pang-araw-araw na komunikasyon; hindi binabasa at
minsan lamang ginagamit sa sulat. Noong ako’y nag-aaral
sa England, madalas akong sulatan ng aking ina kalahati
sa Ingles, kalahati sa wikang Kapampangan; pero lahat ng
wking mga kapatid ay pawang sa wikang Ingles
nakikipag-ugnayan sa akin. Sa palagay ko walang
kinalaman ito sa anumang likas na kahinaan ng
Kapampangan. Bagkus, resulta ito ng unti-unting
paglalaho ng mga babasahin sa wikang ito. Bukod sa mga
matatandang sarsuwelista at makata, wala nang masipag na
nagsusulat sa Kapampangan kahit noong bata pa ako.
Nanatili itong simpleng oral na lengguwahe lamang. Pero
bakit hindi Tagalog? Palagay ko ang dahilan ay una
kaming tinuruan at natututong magsulat sa wikang Ingles,
hindi sa Tagalog.
Kaiba ang naging papel ng
Tagalog, na mabilis kumalat dahil sa komiks, pelikula,
magasin, at radyo. Ang mundong binuksan nito ang
nagbigay ng mga modelo sa mga Filipino sa lahat ng sulok
ng kapuluan kung paano umibig, mangarap, at mabuhay.
Hindi ipagtataka kung ganoon na hindi lamang sa Pampanga
kundi sa maraming lalawigan ng bansa, ang mga love
letter ay sa Tagalog isinusulat, hindi sa Ingles o
Kapampangan at marahil hindi rin sa Cebuano o Ilokano.
Hindi dahil sa kulang sa damdamin ang ating pangrehiyong
wika, kundi dahil Tagalog ang nagkataong naitampok ng
pang masang kultura. Wala tayong dapat ipagpasalamat sa
gobyerno sa pagkakaroon ng ganitong sitwasyon.
Noong ako’y nasa
elementarya pa, nariyan na rin ang Ingles noon – sa
Reader’s Digest, sa mga pelikula, sa mga textbuk sa
eskuwelahan, at sa mga pocketbook. Subali’t hindi pa ito
kasing laganap ng Tagalog. Wala ito sa karaniwang pang-abot
ng Filipino, kahit high school graduate pa, puwera na
lang kung nagtapos ka noong peace time.
Bukod dito, ang wikang
Ingles – tulad ng wikang Filipino na pormal na itinuturo
bilang asignatura noon – ay wikang hindi natural, o
bahagi ng pang-araw-araw na mundo ng karaniwang
Filipino.
Nag-iba ang sitwasyong ito
para sa akin nang pumasok ako sa UP noong 1961. Sa
pamantasan, Tagalog – o marahil ang tinatawag nating
Filipino ngayon – ang wika sa dotmitoryo. Subali’t
marami-rami rin ang mas bihasa sa paggamit ng wikang
Ingles kahit sa pamng-araw-araw lang. Sa loob ng klase,
halos wala nang naririnig na ibang wika kundi Ingles.
Ang wikang ito ang masasabi nating humati sa mga
probinsiyano at sa mga taga-siyudad. Pawang pelikulang
Ingles ang pinag-uusapan sa pamantasan; sa kontekstong
ito’y naging bakya ang komiks at pelikulang Tagalog. Mga
nobelang Ingles ang pinagpasa-pasahan, hindi Bulaklak at
Liwayway. Wala, ni isang subject na itinuturo noon sa
katutubong wika. Mga awiting Ingles ang patok, sa loob
at sa labas ng pamantasan.
Ang modelo ng makabago at
edukadong Filipino ay nilikha mula sa laganap na mga
elemento ng Kanluraning sibilisasyon. Ang wikang Ingles
ang nagsisilbing pinakamabisang behikulo ng kulturang
ito. Sa aking paningin, dito nagsimula ang unti-unting
paglubog ng kaluluwang Filipino.
Nagsimula lamang ang
pagtutol sa ganitong kalakaran bandang dekada sitenta na.
Sa panahong ito, muling natuklasan ang katutubong wika
bilang sandata ng pagtutol. Ang pagtutol sa
imperyalismong Amerikano ay mas madaling nasakyan nang
ito’y naging pagtutol din sa wika ng imperyalista.
Sinasadya, may pagkapormal, self-conscious ang paggamit
sa wikang Filipino sa panahong ito. Ang katutbong
leangguwaheng gamit ang siya na ring pinakadiwa ng
mensahe ng paglaya. Pagkatapos ng maraming dekada ng
pagkabusabos, noon lang natin inangking muli ang
sariling wika bilang mahalagang sagisag ng ating
identidad.
Sa isang iglap, ang
pinatulog na diwa ng katutubong lengguwahe ay nagising.
Ginamit ito bilang sandata sa pakikibaka; puno ng
puwersa, galit, at angkop na pananalita. Walang ibang
wikang ginamit kundi Filipino para isulat ang ideolohiya
ng pagtutol – sa mga dula, awiting makabayan, mga tula,
mga manipesto at mga islogan. Sa panahong ito, muling
nagsama ang bakya at intelektuwal.
Sapagkat mga kabataan ang
nanguna sa muling pagsibol na ito ng wikang katutubo,
pinakamalalim ang epekto sa kultura, lalo na sa mga
awitin. Hanggang ngayon, patuloy nating inaani ang mga
bunga ng pagyabong ng wika sa dekada sitenta –
mapapansin ito sa mga awiting rock-protest ng mga banda
ng mga kabataang mang-aawit ngayon. Subalit sa ibang
larangan, mapapansin din natin na wari’y paatras na
naman ang katutubong wika. Ang Ingles, ang wikang
tinutulan ng henerasyon ng dekada sitenta, ay tila ganap
nang nakabawi, at ngayo’y higit pang malakas at arogante.
Anong mga kaisipan ang nais
kong halawin mula sa ganitong karanasan? At ano ang
kinalaman nito sa politika ng wika?
Una, ating mapapansin na
ang pag-usbong at paglaho, ang pamumukadkad at pagtiklop
ng isang wika, ay resulta ng isang masalimuot na proseso.
Maraming puwersa ang naglalaro sa larangang ito,
subali’t mahirap sabihing may iisang makapangyarihang
may akda sa naging kalagayan ng isang wika. Ang isang
sitwasyong pangwika ay produkto lamang ng interaksiyon
ng marami at iba’t ibang proyekto. Ang ilan dito ay
sadyang tumutukoy sa isang patakaran sa wika. Subali’t
karamihan ay bahagi lamang ng mga maniobra sa negosyo at
politika at hindi tuwirang nakatuon sa pagpapalaganap ng
alinmang wika.
Mababangggit ko bilang
halimbawa ang sarili kong programang Public Forum sa
telebisyon. Ang programang ito’y sadyang sumakay sa alon
ng demokratisasyon na humantong sa tinaguriang People
Power Revolution sa EDSA. Nang kami’y magsimula sa
Channel 13 na bagong sequestered pa lamang noon,
talagang layunin namin na gamitin ito na isang forum
para mabigyang tinig ang pananaw ng iba’t ibang sektor
ng lipunan lalo na ang mga tinatawag nating mga batayang
sektor. Ang balak namin ay kalapin na lamang ito sa
pamamagitan ng M-O-S interview. Pero ang tunay na
diskusyon ay sa studio pa rin, gaya nga ng aking
naikuwento, aking ipinalagay na sa wikang Ingles ito
gagawin.
Lahat ng public affairs
talkshows noon ay sa wikang Ingles lamang ginagawa. Ang
Filipino ay ginagamit lamang sa mga movie at celebrity
gossip. Ang dahilan nito – ang sabi sa akin – ay
sapagkat ang mga talkshows na pang-alas diyes y media ay
sadyang para sa middle class at opinion leaders nakatuon.
Sila umano ang gising pa sa mga oras na ito, at sila
lamang umano ang may interes na makinig sa tipo ng mga
isyung pinagtatalunan. Sa kabilang banda naman daw, ang
public affairs radio mula sa madaling araw – habang
tulog pa ang middle class at elite – hanggang sa
pagpasok sa trabaho ay sadyang laan lamang para sa
masa.
Mahirap baguhin ang
ganitong mga tradisyon sa telebisyon. Kaya natural
lamang na sumunod kami sa ganitong kalakaran. Bukod dito,
talagang mababa ang aking kakayahang gumamit ng
Filipino. Walang kuwestiyon na Ingles ang dapat naming
gamiting wika sa Public Forum.
Datapwa’t nangyari ito sa
unang palabas lamang noong Nobyembre 1986. Sa aming
unang pagtatanghal na iyon na ayaw ko nang maulit,
lumabas akong isang malaking tanga. Panauhin ko noon si
Kumander Dante na kalalabas pa lamang sa bilangguan. Sa
bawat tanong ko sa kanya sa Ingles, wala siyang
pangingiming sumagot sa Filipino. Bagama’t Kapampangan
siyang katulad ko, magaan at magandang pakinggan ang
kanyang Filipino. Lubha akong napahiya sapagkat nakita
ko’t nadama ang malaking kahangalan ng pagpipilit
magsalita ng Ingles gayong ang kausap mo ay kapwa
Filipino at ang pinag-uusapan ninyo ay mga isyung
Filipino at ang mga nakikinig ay pawang mga Filipino.
Sa madaling salita, ang
aking proyekto sa simula’t simula ay ang demokratisasyon
lamang ng telebisyon sa pamamagitan ng pagbibigay puwang
at tinig sa karaniwang Filipino. Hindi ko kaagad naisip
na kung gusto mong marinig ang nais sabihin ng isang
Filipino, ang una mong dapat gawin ay igalang ang
kanyang wika at hayaan mo siyang mangusap sa tanging
wikang kanyang ginagamit sa pang-araw-araw. Aking
natuklasan na kapag pinuwersa mo ang karaniwang
mamamayan na makipagtalastasan sa isang wikang dayuhan
na bagama’t naiintindihan niya’y hindi naman siya
nasasalita, lalabas siyang mangmang o walang nalalaman.
Subalit kapag ibinalik mo sa karaniwang mamamayan ang
kanyang sariling wika, kahit pa diputado o pangulo ay
handa siyang makipagtalo. Dito sa parehas na larangang
ito ng katutubong wika, liyamado pa siya, sapagkat iyong
mga opisyal ng gobyerno at teknokrat na nakalimot na sa
sariling wika ang siya ngayong lalabas na uutal-utal at
tanga. Akin ding natuklasan na walang matyog, mahirap, o
abstraktong kaisipan na hindi maaaring ihayag sa
sariling wika. Sa katunayan, nang matuklasan kong muli
ang sigla ng ating wika, pinagsikapan ko ring hanapin
ang likas na musika nito. At hindi ako nabigo. Ako
mismo’y namamangha sa mga kahulugang iniaalay ng ating
wika sa sinumang may tiyagang maghanap.
Depende sa reglamento ng
laro, kung ganon, ang wika ay kagyat na nagpapalakas o
nagpapahina. Kung paano sa telebisyon, ganoon din sa iba
pang larangan ng lipunan.
Kapag ang lengguwahe ng
ating mga batas at ng paglilitis ay wikang dayuhan, ang
gumagamit ng wikang katutubo’y dehado kaagad. Ang
kanyang minimithing katarungan ay nakasalalay sa
kapritso ng pagsasalin. Isang dating estudyante ko ang
kasalukuyang nagsasagawa ng isang pag-aaral tungkol sa
sitwasyon ng mga Filipino sa Japan at Amerika na
kailangang humarap sa korte. Nais niyang makita kung
paanong nasasagasaan ang katarungan dahil sa pagsasalin
ng mga court-appointed interpreter. Ang sabi ko sa
kaniya ay hindi na niya kailangan pang lumayo sapagkat
maski dito sa Pilipinas ay araw-araw nagaganap ang
katawa-tawang sitwasyon ng pagsasalin ng mga testimonya
ng mga saksi mula sa wikang Filipino patungo sa Ingles.
Mga dayuhan sa sariling bansa!
Kung sabagay, bakit natin
ipagtataka ito gayong mismong mga pangulo ng ating
bansa’y sa wikang dayuhan nag-uulat sa bayan tuwing
pagbukas ng Kongreso. Para na rin nilang sinasabing ang
karaniwang mamamayan ay hindi kasali sa bayan. Ito’y
pagpapakita lamang na ang sadyang kinakausap ng pangulo
at ng matataas na opisyal ng bayan ay yaong iilan lamang
na may kakayahang humubog sa kinabukasan ng bayan.
Kapag ang wikang katutubo
ay nagagamit lamang kaugnay ng maliliit na bagay na
pinag-uusapan, at ang wikang dayuhan ang nakakasanayang
gamitin upang ipahayag ang mas mataas na uri ng
talastasan – ang wikang katutubo ay nabubusabos habang
ang dayuhang wika’y namumukod. Sa kalaunan, ang
karamihan ay mag-iisip na nasa wika natin ang depekto,
wala sa anupamang patakarang unang ipinairal.
Kapag ang mga iginagalang
at mga sikat na intelektuwal ay naririnig at nababasa
lamang sa wikang dayuhan at walang ingklinasyon na
gumamit ng sariling wika, umaangat sa paningin ang
wikang dayuhan, habang bumababa sa estimasyon ang
sariling wika. Kuna walang magpupunyaging isalin sa
katutubong wika ang mahahalagang literatura at
produktong intelektuwal ng mga banyagang kultura,
iisipin ng marami na may likas na kakapusan ang ating
sariling wika, at walang ibang lunas kundi pagsikapang
pag-aralan ang wikang dayuhan.
Walang wikang umuunlad kung
hindi ito nababasa’t naisusulat. Walang wikang umuunlad
kung ito’y hindi sinasanay na maglulan ng mga kaisipang
bago sa ibang mga kultura. Kailangang makipag-usap ang
ating katutubong wika sa mga wika ng ibang bansa, sa
halip na isantabi ito sa muling pag-aakalang hindi na
ito angkop sa nagbabagong panahon.
Halos lahat ng mga bansang
nakapagpundar sa sariling pambansang wika, isang wikang
ginagamit sa negosyo, politika, pagtuturo, batas at
gobyerno, kultura, at pang-araw-araw na komunikasyon,
ay ang mga bansang nagpatupad ng isang mahigpit na
patakarang pangwika sa simula pa lamang ng kanilang
pagsasarili bilang isang bansa. Lahat sila’y gumamit ng
poder ng estado upang mabigyan ng sapat na pagkakataon
at puwang ang napiling pambansang wika na maging bahagi
ng karanasan ng bawat mamamayan. Dahil dito, mas may
kahandaan silang tumanggap sa hamon ng mga pandaigdigang
wika at lagumin ang mga ito sa loob ng kanilang mga
sariling wika. Nakakayanan nilang pagsilbihan sila ng
mga dayuhang wika, sa halip na sila’y maging alipin ng
mga ito.
Subali’t ang isang lipunan
na sa simula pa lamang ng kasaysayan nito bilang isang
nagsasariling bansa ay nagpatangay na sa dinamismo ng
isang pandaigdigang kultura at kabihasnan, ay
mahihirapan nang gumamit ng awtoritaryong pamamaraan
para magpataw ng isang programang pangwika na hayagang
sasalungat sa lohika ng modernisasyon at globalisasyong
nakabatay sa Ingles. Mahigpit itong tututulan sa ngalan
ng demokrasya’t katarungan. Sa kabilang banda naman, ang
isang bilingguwal na patakaran ay nauuwi sa konsuwelo de
bobo lamang – kung walang utak na manggagaling mula sa
hanay ng mga guro, intelektuwal at mga taong mass
media.
Ito ang aking konklusyon:
huli na para mangarap tayo ng isang pambansang pamunuang
magtatampok sa katutubong wika bilang sagisag ng
pagsasarili, at handang itumba ang kaharian ng wikang
Ingles sa ating lipunan. Subalit hindi pa huli upang
gumising tayo’t magkusa – sa bawat maliit na larangang
ating kinikilusan – na ipalutang sa himpapawid ang himig
ng ating pambansang wika, nang walang pag-aatubili,
pag-aalinlangan o pangingimi. Sa madaling salita, kung
gusto nating lumaya ang ating wika, gamitin natin itong
sandata – ngayon at sa bawat okasyon.
*Ang artikulong ito ay nasa
DALUYAN, Tomo VII: Bilang 1-2 1996 |