|
Sapagkat Buháy ang Wikang Filipino
ni Virgilio S. Almario (Bahagi ng Aklat ng Sawikaan
2004: Mga Salita ng Taon)
IBANG-IBA na ang wikang Filipino ngayon sa Pilipino
noong kabataan ko at lalo na sa pinagbatayan nitong
Tagalog nina Balagtas at Lope K. Santos. May bago na
halimbawang alpabeto ang Filipino na ibang-iba sa
baybayin at sa ipinalit na alpabetong romanisado ng mga
Espanyol at kahit sa abakadang pinalaganap noong panahon
ng Komonwelt. May mga panlapi ngayong gaya ng nakaka- at
n-i sa “nakakatakot” at “nilalaman” na igigiit ng mga
mambabalarila na dapat isulat na “nakatatakot” at “linalaman.”
May mga lumang salita na nagbago ang bigkas, gaya ng
“balatkayo” na mabilis ang bigkas sa
Florante at Laura
ngunit maragsa ang bigkas sa pag-awit ni Anthony Castelo.
May mga salitang tulad ng “kaagulo” na higit na
maiintindihan kung sasabihin mong “kerida” o “kabit.”
Isang buháy na wika ang Filipino kaya’t hindi dapat
ipagtaka ang anumang pagbabago nito sa tunog, ispeling,
balangkas ng pangungusap, at iba pang aspektong
panlingguwistika. Kapansin-pansin ito sa larangan ng
bokabularyo. Totoo na marami na tayong nalimot at hindi
ginagamit sa bokabularyo ng panahon ni Balagtas. Subalit
higit na maraming salitang likha at hiram na napalahok
sa nakaraan lamang sandaang taon ng Tagalog at Filipino.
Sa pamamagitan ng mga likha at hiram na ito yumayaman
ang bokabularyo ng wikang Filipino.
May mapapansin ding pangunahing paraan ng pagpapayaman
sa talasalitaan ng ating wika sa pana-panahon.
Noong panahon ng Espanyol, pinayaman ng kolonyalismo ang
maraming katutubong wika sa Filipinas sa pamamagitan ng
pagpapahiram ng daan-daang salita kaugnay ng idinulot na
karanasang kolonyalista. Sa Tagalog, napakatiim ang timo
ng Kristiyanismo at pagkaing dala ng mga Espanyol gaya
halos isakatutubo ng mga Tagalog ang bigkas sa mga
salitang tulad ng “kandila,” “pari,” “kampana,” “kusina,”
“bintana,” at “toma.” May mga salitang halos mahirap
nang bakasin ang orihinal na anyo ng hiniram, tulad sa
“komang” na mula sa
manco,
“pader” na mula sa
pared,
at “silahis” na mula sa maramihang anyo ng
celaje.
Ang problema, lubhang na-Espanyol ang ating dila kaya
higit pa nating ginagamit ngayon ang “mas” at “pero”
kaysa katutubo nating “higit” at “ngunit” o “subalit.”
Kahit ang pagmumura natin ay na-Espanyol. Matimpi siyang
nakasasambit pa ng “Lintik!” o “Naku!” Higit na mabilis
lumalabas sa ating bibig kapag nagulat, nabigla, at lalo
na kapag nagalit ang matunog na “Puta!” o ang binantuang
“Putris!”
Napakahirap humanap ng salita na nalikha sa panahon ng
Espanyol bilang sagot sa bagong pangangailangan ng
mamamayan noon. Pinakaorihinal nang halimbawa ang
“kundiman” bilang pangalan sa awit na nalikha at naging
popular nitong ika-19 siglo mula sa pagsasanib ng himig
Espanyol at damdaming Filipino. Nitong lumaganap ang
damdaming mapagpalaya, lumitaw ang salitang “laya” at
mga anyo nitong “malaya” at “kalayaan” bilang likhang
pantapat sa Espanyol na
libertad.
Sa aking saliksik, unang lumitaw sa palimbag na paraan
ang salitang ito sa salin ni Marcelo H. del Pilar ng
“Amor Patrio” ni Rizal na nalathala sa
Diariong Tagalog.
Pagkaraan, ginamit ito at naging susing salita sa hanay
ng mga Katipunero.
PAGDATING NG ika-20 siglo, higit na nagumon ang mga
Tagalista sa paglikha kaysa panghihiram. Nanghiram pa
rin ang bayan ng “pulis,” “istambay,” at “bulakbol”
mulang Ingles. Subalit ang mga taliba ng wikang pambansa
ay nagpaligsahan sa paglikha ng mga neolohismo na gaya
ng “bantayog,” “katarungan,” “tatsulok,” “lathalain,” at
“banyuhay.” Pinakamalaki’t pinakamatagumpay na proyekto
sa gawaing ito ang “balarila” ni Lope K. Santos na
nagpasok sa ating wika ng isang buong sistema ng
karunungan na halos bumura sa alaala ng laganap na noong
gramatika sa Espanyol.
Kung hindi lumilikha, binubuhay ng mga Tagalista ang mga
lumang salita at nilalagyan ng bagong kahulugan. Ito ang
naganap sa “sining,” “moog,” at “dagitab.” O kaya’y
upang muling ipagpangaralan ang katutubong yaman ng
sariling wika sa pagpapahayag ng mga dalumat na gaya ng
“haraya,” “tayutay,” at “agham.” At kung manghiram man
ay higit na makiling sila sa pagpapayaman mula sa ibang
katutubong wika ng bansa, gaya sa nabanggit nang “katarungan,”
sa “lungsod” at “bansa.”
Tinudyo ng mga kaaway ng wika ang naturang hilig sa
pagtuklas at pagtitiwala sa katutubong wika.
Pinakamaanghang na tudyo ang ambag ni Senador Francisco
“Soc” Rodrigo na “salumpuwit” at “salunsuso” bilang
panumbas diumano sa “silya” at “bra.” Nitong dekada
1970, mabubuo ang ganitong uyam at tuligsa tungo sa
atake laban sa “purismo” at siya diumanong tinatangkilik
na uri ng wikang pambansa sa Surian ng Wikang Pambansa.
Napasubo ang Surian sa isang mahabang usaping pangwika
at dito pumasok ang iba’t ibang panukala ng
inhenyeriyang pangwika na naglundo sa pagbago ng
pangalan ng wikang pambansa mula sa “Pilipino” tungo sa
“Filipino.” Naipit sa usaping ito ang matagal nang
nilulutong “wikang maugnayin” ni Gonzalo del Rosario at
nasayang ang eksperimento sa wikang pang-agham at
teknolohiya ng National Science Development Board at ng
Araneta University. Nanaig ang kilusang “anti-purismo”
na may iba’t iba ring mungkahing paraan ng pagpapayaman
sa bagong wikang “Filipino.” Natatangi sa mga ito ang
eksperimento sa wikang balbal at kolokyal ng
Taliba,
pangunahing peryodiko noon sa wikang pambansa at kapatid
ng malaganap na
Manila Times,
ang haluhalong pangwika ni Geruncio Lacuesta, at ang
Filipino batay sa language universals kuno ni Dr.
Ernesto Constantino.
Sa aking pananaw, sinupil ng kilusang “anti-purismo” ang
labis na hilig sa paglikha upang payamanin ang wikang
pambansa. Dumalang pa sa patak ng ulan ang mga opisyal
na neolohismong gaya ng “balikbayan” at “batasang
pambansa.” Dumako naman ngayon ang mga akademistang
pasimuno ng Filipino sa lansakang panghihiram mulang
Ingles at sapilitang pagpapalaganap ng mga ito sa anyong
alinsunod sa ating katutubong palabaybayan. Ibig nitong
burahin kahit ang leksikon ng balarila upang ipalit ang
“nawn,” “sentens,” at iba pang hiram sa Ingles. Sa U.P.,
may mga titser na ayaw ng “patakaran” dahil mas gusto
ang “polisiya” at “palisi”; ayaw ng “agham panlipunan”
kaya ipinilit na pangalan ng kolehiyo ang “sosyal sayans”;
ayaw ng matagal nang likhang “sinupan” at marahil ng
Espanyol na “artsibo” kaya’t “arkayb” ang nasa karatula
ng kanilang silid na alay kay Cecilio Lopez.
ANG MAGANDA, habang nagbabangayan ang mga akademista sa
ispeling ng mga hiram na salita mula sa wikang banyaga
ay hindi nabibimbin ang pagyaman ng bokabularyong
Filipino. Ang bayan mismo ang nagsasagawa ng paglikha,
paghiram, pagbuhay sa lumang salita, o pagbaluktot sa
pormal na salita. At ito naman ang dapat mangyari. Hindi
natin dapat kalimutan na ang wika ay kasangkapan para sa
lahat ng mamamayang gumagamit nito. Sinasalita ng
mamamayan ang wika para sa iba’t ibang layuning
pangkomunikasyon Dahil dito, nagbabago ang wika
alinsunod sa pangangailangan ng mga nagsasalita nito.
Dili kaya, binabago ng mga mamamayan ang wika nang hindi
nila namamalayan o kahit wala sa kanilang isip ang
layuning baguhin ito. Malimit nga na pumapasok ang isang
salita sa bokabularyo ng bayan nang hindi nila
napapansin ang nagaganap na pagbabago sa kanilang wika.
Noon pa man, kahit ang mga musmos ay lumilikha ng mga
salita para sa kanilang paglalaro. Sila lamang ang
makaiimbento ng “pen-pen de sarapen” at “tong-tong
pakitong-kitong” na sila lamang din ang nakaaalam kung
ano ang ibig sabihin. Aliwan lamang para sa kanila ang
paglasap sa mga tunog ng titik at pantig ngunit mahalaga
ang naturang pag-aaliw sa pagkalikha ng maraming
tinatawag nating onomatopeya: “aliw-iw” ng batis,
“alit-it” ng siit ng kawayan, “pagaspas” ng hangin o
bagwis, “lagaslas” ng talon, at nitong makabagong
panahon, “harurot” ng kotse.
Gayunman, ang mga tin-edyer ang tunay at seryoso sa
paglikha ng bagong bokabularyo. Hindi lamang nila
gustong maglaro kapag umiimbento ng sarili nilang
jargon. Nais nilang maging tatak ng kanilang barkada o
henerasyon ang naiiba nilang paraan ng pagsasalita. Ang
isang leksiyon nga sa lingguwistika ay ganito: Tumatatag
ang isang sistema ng paggamit sa isang wika upang maging
parang opisyal na wika ng isang tumandang henerasyon at
upang tangkain namang baguhin at wasakin ng sumusunod na
henerasyon. Waring bahagi mismo ng generation gap ang
magkaibang paraan at pagpapakahulugan sa wika ng
katandaan at ng kabataan.
Dahil sa kanilang saloobing rebelde, natitiyak kong mga
kabataan lamang ang panggagalingan ng mga binaligtad na
bokabularyo. At mukhang makikipagtagalan sa panahon ang
ilan, gaya ng “astig” (tigas), “erpat” at “ermat”
(father at mother), “datan” (matanda), at “tsekot”(kotse).
May tatak din ng barkada ang iba’t ibang naging popular
na paraan ng pagputol sa mga salita at paglalagay ng
isang paboritong pantig. Halimbawa, “syota” (bata),
“syoke” (may kike?), at “syobi” (bisyo) na maaaring
inspirado ng syomai at syopaw sa pansiterya ng
Chinatown. O kaya ang “dyakul” (cool?), “dyoga” (magang-maga
o nakakadaga?), at “dyinggel” (jingle) na maaaring
bahagi ng paglalaro sa Tinagalog na anyo ng “dyip” at “dyutay.”
Kailangan ang masusi at matiyagang paghimay sa mga
naturang salitang balbal upang matuklas ang sistema sa
likod ng mga naturang kodigo ng kabataan.
Gaya rin ng pangyayaring mahirap mahulaan ang paraan ng
pag-imbento sa tinatawag ngayong “swardspeak” (wikang
bakla). Sa tingin ko, bukod sa kabataan, pinakamasigla
ngayong sektor ang mga bakla sa paglikha ng sariling
kodigo. Mabilis ding kumakalat ang kanilang imbensiyon
dahil sa impluwensiya nila sa mass media. Ang tawag nila
mismo sa kanilang sarili ay nagkaroon na ng mga
transpormasyon, mula sa “badaf” (babae dapat) na naging
“bading” hanggang “muher” (mujer) at “swarding.” Hindi
rin maikakait ang halina ng kanilang makulay na
lengguwahe, gaya ng “imbiyerna” na malayo sa orihinal na
invierna
ng mga Espanyol o ng “tsugi” na hindi mo malaman kung
halaw sa Niponggo o Tibetan.
Ang mass media mismo ay nag-aambag ng bagong salita at
malimit na dahil sa mababaw na kaalaman sa wikang
ginagamit. Pinakapopular na halimbawa ng ganitong
katangahan ang “kaganapan” na mahirap nang alisin kahit
sa dila ng mga kagalang-galang na Brodkaster Noli de
Castro at Joe Taruc. Hndi naman nahuhuli sa ganitong
kamangmangan ang ilang akademistang nais mag-Espanyol
ngunit mahirap usisain kung saan nila napulot na
diksiyonaryo ang “aspeto,” “imahe,” “pesante” (para sa
magsasaka), at “kontemporaryo.”
Gayunman, kahit ang mga nabanggit na aberasyon at ang
tinatawag kong salitang “siyokoy” ay bahagi ng masaya at
masiglang paggamit ngayon sa wikang Filipino. Hindi
mapipigil kahit ng Komisyon sa Wikang Filipino ang
magiging iba’t ibang paraan ng paggamit ng sambayanan sa
kanilang wikang pambansa. Wika nila ito kaya’t nasa
kanila kapangyarihan upang hubugin ito alinsunod sa
kanilang hilig at pangangailangan. Hindi rin wasto na
ituring ang nalilikha ng bayan na bulgar at may mababang
uri, lalo na’t kapag ikinompara sa isinasagawa diumanong
“intelektuwalisasyon” ng mga akademista sa wikang
Filipino. Walang silbi ang anumang pagsisikap tungo sa
“pagtataas” ng nilalaman ng wikang Filipino kung hindi
ito gagamitin ng bayan–lalo na’t mapagkuro nila na
walang kaugnayan sa kanilang buhay at hindi nila
kailangan. Tulad ng “japayuki” noong dekada 1980 at
ng“kudeta” nitong panahon ni Cory, tumitimo sa isip ng
taumbayan ang “otso-otso” at “ukay-ukay” hindi lamang
dahil makulay ang anyo kundi dahil may matalik itong
kaugnayan sa kanilang kasalukuyang karanasan. May
nasasaling itong malalim at maselang pilas ng kanilang
damdamin at gunita. Sabihin mang baduy o tahasang baboy,
wika ito ng kanilang tunay na buhay at higit nilang
tatangkilikin kaysa mga “pragmatiks” at “sayantipik
perspertiv” sa hindi nila kailanman maisasapusong wika
ng mga “fild resertser” at “akademiks.”
Kailangang magkatagpo ang eksperimento sa akademya at
ang malikhaing gawain sa wika ng sambayanan. Magaganap
lamang ito kapag natutong magsalita ang mga intelektuwal
at propesyonal sa wika ng bayan. Ibig sabihin, naipaloob
ng mga tagaakademya ang kanilang banyagang kaalaman sa
daigdig ng karunungan ng karaniwang taumbayan. Naging
bahagi ng karanasan ng bayan ang ngayo’y nasa mga
makapal at mahirap basahing aklat. At magaganap din
lamang ang pagtatagpong iyon kapag nagbago mismo ang
buhay ng taumbayan. Halimbawa, kapag umigpaw ang
kabuhayang bansa mula sa kumunoy ng “otso-otso,” “ukay-ukay,”
at “ofw.’ Kapag luminis ang lipunan at nawala ang “kotong,”
“kurakot,” “trapo,” “pork barrel,” at “dagdag-bawas.”
Kapag... kapag... kapag...
Pagkaraan ng lahat, nagbabago lamang naman ang wika
alinsunod sa nagbabago sa buhay ng gumagamit nito. Tulad
ng halaman, lumalago ito’t namumulaklak kapag mataba ang
lupa’t mapagpala ang kaligiran. Nababansot ito’t
kulu-kulubot ang dahon kapag tumubo sa burak at puro
peste ang nakakapit. |