|
Úkay-úkay
ni
Delfin Tolentino, Jr.
Kasaysayan at Etimolohiya
Tinutukoy ng salitang ukay-ukay ang mga
mga segundamanong damit na galing sa ibang bansa at
ipinagbibili sa Filipinas sa napakamurang halaga (“Laging
nakapustura si Grace pero alam mo ba na puro ukay-ukay
ang suot niya?”). Tinutukoy rin nito ang mga tindahan o
pamilihan na nagbebenta ng ganitong paninda (“Mabaliw-baliw
si Dina noong mag-shopping kami sa ukay-ukay.”).
Pumasok ang ukay-ukay sa bokabularyo at kamalayan ng mga
Filipino nitong nakaraang dekada. Ang kasaysayan ng
ukay-ukay ay kasaysayan ng isang pambihirang pangyayari
sa ating panahon, at kasaysayan itong malamang na
maganap lamang sa isang lipunang hikahos.
Wala itong tiyak na simula. Ayon sa isang ulat,
nagsimula ang ukay-ukay noong dekada sisenta sa Baguio
at Cebu nang maisipan ng ilang may hilig sa negosyo ang
pagbebenta ng mga segunda-manong damit na nakolekta ng
mga Filipinong nagtatrabaho sa ibang bansa. Inipon ang
mga damit na ito, ipinadala sa Filipinas, inilusot sa
Customs nang walang taripa sapagkat hindi idineklarang
paninda, at pagkatapos ay ipinagbili nang mura sa mga
bahay-bahay at mga tiyangge.
Ngunit ang lalong popular na kuwento ay tungkol sa
pagsilang ng ukay-ukay sa Baguio noong mga unang taon ng
dekada nobenta, nang ipauwi ng mga domestic helper sa
Hong Kong ang mga segunda-manong damit na nahingi o
nabili nila roon upang ipagbili sa presyong baratilyo sa
mga sidewalk ng Baguio.
Pumatok nang husto ang ganitong munting negosyo hanggang
sa pasukin ito ng mga propesyonal na negosyante.
Hinalughog ng mga negosyante ang mga bodega ng mga
Intsik sa Hong Kong at pinakyaw hindi lamang ang mga
segunda-manong damit kundi pati na rin ang mga reject at
product sample ng mga pabrika at ang mga lumang stock ng
mga department store. Ang mga balikbayan box na
pinaglalagyan ng mga lumang damit ay hinalinhan ng mga
shipping crate. Sa kalaunan, nagsulputan ang mga
tindahan ng mga imported ngunit napakamurang damit, at
napatanyag ang Baguio bilang sentro ng negosyong
ukay-ukay sa bansa. At sapagkat kumalat na ang balita na
matubong negosyo ito, ngayon ay matatagpuan na ang
ukayukay mula Batanes hanggang Jolo. Kaya hindi kataka-taka
na lumikha ito ng sariling mitolohiya. Mayroong mga
kuwento na ang mga ibinebentang damit sa ukay-ukay ay
damit ng mga patay o maysakit. Ayon naman sa isa pang
salaysay, ang mga damit na ito ay mga donasyon ng ibang
bansa para sa mga biktima ng sakuna sa Filipinas.
Nagmula sa salitang Bisaya ang ukay-ukay na ang ibig
sabihin ay maghalungkat sa mga damit na itinumpok sa
mesa, itinambak sa kahon, o ikinalat sa nakalatag na
sako. Konektado ang ukay-ukay sa salitang Tagalog na
hukay. Sa unang yugto ng kasaysayan ng ukay-ukay,
ganito ang itsura ng mga paninda: halo-halo, walang ayos,
bunton-bunton. At parang naghahalukay ng lupa ang mga
mamimiling naghahanap ng makukursunadahang damit. Kapag
nakasumpong ng medyo natipuhang palda, polo, pantalon, o
pajama, ilalabas ito nang husto at iwawagwag na parang
bandera, upang siguruhin na wala itong punit, walang
nawawalang butones, walang mantsa. Kaya ang ukay-ukay ay
tinatawag ding wagwagan.
Mga Gamit ng Salita
Katulad ng maraming matagumpay na negosyo, pinasok ng
ukay-ukay ang iba pang larangan. Mula sa sidewalk, ang
ukay-ukay ay umusad sa mga regular na tindahan hanggang
sa marating ang mga shopping complex. Sa Baguio, ngayon
ay mistulang mall ang mga lumang gusaling nilusob ng
ukayukay. At sa paglawak ng teritoryong sakop nito, ang
negosyong ukay-ukay ay nag-diversify. Bagama’t
segundamanong damit ang orihinal na tinutukoy ng
ukay-ukay, ngayon ay tukoy na rin nito ang iba pang
segunda-manong produkto na ibinebenta ng mga mag-uukay:
lahat ng klase ng bag, stuffed toys at iba pang laruan,
sapatos, tsinelas, sinturon, kumot, kobrekama at punda
ng unan, mga gamit sa kusina, kurtina, baseball caps,
Christmas décor, at pati bookmarks na galing sa Ehipto
at Turkiya. Madalas, ang ekspedisyon sa ukay-ukay ay
tila nagiging pagdalaw sa maalamat na Serendip:
bumubulaga ang magagandang sorpresa. Sa graduation ng
Unibersidad ng Pilipinas sa Baguio, kapag nagmartsa na
ang kaguruan, mapapansin ang ilang guro na kakaiba ang
suot na toga, sapagkat mga toga ito ng Princeton
University o Concordia College na na-jackpot nila sa
ukay-ukay.
Napakalaki ng potensiyal ng salitang ukay-ukay kaya
natural lamang na lumawak pa ang kahulugan nito. Sa
hanay ng mga sikat na fashion designer na tulad nina
Rajo Laurel, ginagamit ngayon ang ukay-ukay para tukuyin
ang “vintage fashion.” Dahil sa ukay-ukay, naging “in”
ang mga lumang damit na ngayon ay nire-recycle at
ginagamit sa paglikha ng mga makabagong kasuotan na
kinatutuwaan ng mga fashionista.
Dahil sa koneksiyon nito sa mga bagay na luma o gamit na,
ang ukay-ukay ay nagamit na rin bilang katumbas ng
“archive,” tulad halimbawa ng paggamit ng UP Film
Institute sa salitang ito para tukuyin ang archive ng
sineng Filipino na dapat halukayin upang mahanap ang mga
lumang pelikula na nabaon na sa limot.
Kahit sa internet ay mayroon na ring ukay-ukay. May
isang masuwerte at kilalang dot com na naging matagumpay
dahil sa estratehiya nito: naghahanap ito ng mga
imbentaryo ng mga “patay” nang dot com, pinapakyaw ang
mga ito sa mababang halaga, at pagkatapos ay muling
ipinagbibili nang mura. Ngunit mura man ipagbili ay
pinagtubuan na nang malaki. Ayon sa ilang estratehista
ng Ayala Corp., ito ang “pilosopiyang ukay-ukay.” Isa pa
itong gamit ngayon ng ukay-ukay.
Kaugnay pa rin ng computer technology, at dahil naman sa
koneksiyon ng ukay-ukay sa mababang presyo na kayang
abutin kahit ng mga taong wala namang kaya, kamakailan
ay nanawagan ang isang computer specialist na sana ay
maglabas ang Microsoft ng isang operating system na
makakayang bilhin ng mga tao sa isang mahirap na bansang
tulad ng Filipinas. Ito ang tatawaging “ukay-ukay
edition” ng Microsoft OS.
May iba pang gamit ang salitang ukay-ukay. Noong
nagkakagulo sa Kongreso dahil sa pagpoposisyon ng mga
politiko na naghahangad na makuha ang ganito o ganoong
komite, nakiusap si Cong. Rodolfo Plaza ng Agusan del
Sur sa kaniyang mga katoto: “Huwag natin itong gawing
subasta, o ukay-ukay ng mga posisyon sa Kongreso!”
Maaaring katawa-tawa ang ilang gamit ng salitang
ukay-ukay, ngunit maaari rin itong makabagbag ng
damdamin. Ayon sa isang ulat sa diyaryo, ikinumpisal ng
isang batang ilang taon nang naninirahan sa lansangan na
ang mga batang kalye na tulad niya ay nagnanakaw at kung
minsan ay namamalimos para mabuhay. At naghahalungkat
din sila ng pagkain sa mga basurahan. Ukay-ukay ang
tawag nila sa kanilang mga pagkain na galing sa basura
ng Jolibee, McDonald, at iba pang fastfood restaurant.
Ang Ukay-Ukay Bilang Salita ng Ating Panahon
Kinakatawan ng salitang ukay-ukay ang kultura at
lipunang Filipino sa kontemporanyong panahon. Nakapaloob
dito ang larawan ng isang mahirap na bansa na tambakan
ng basura ng mga nakaririwasang bansa. Nakapaloob din
dito ang larawan ng maabilidad na Filipino na nakikita
ang kayamanan sa basura ng iba. Demokratiko ang
ukay-ukay. Sa pamamagitan nito, nakakaya ng mahihirap na
bumili ng damit. Samantala, ang mga Filipinong sunod sa
moda ngunit manipis ang bulsa ay nakapagsusuot ng mga
Yves Saint Laurent o Oscar de la Renta nang hindi
kailangang ipagbili ang kaluluwa. Sabi nga ng isang
peryodista: “Kilala daw ang Filipino sa pagiging ‘wais’.
Sa lahat ng bagay maging sa pansariling gamit ay
pangunahing layunin ng Pinoy ang makatipid. Ngunit sa
kabila ng kagustuhang makatipid ay mahilig din sa
imported at signature na kasuotan ang Pinoy. Ang
magkataliwas na hilig ay nabigyang solusyon sa
pamamagitan ng ukay-ukay.”
Noong una, marami ang ayaw na masabing parokyano ng
ukay-ukay. Nahihiya sila. Ngunit ngayon ay
makakasalubong sa mga sentro ng ukay-ukay ang lahat ng
klase ng tao, mula sa mahihirap hanggang sa mga sosyal.
Senyas ito ng panahon ng kagipitan. Apektado ng krisis
ang lahat.
Sinususugan din ng ukay-ukay ang ugali ng maraming
Filipino na sa ganitong panahon ng kagipitan ay umaasa
na lang sa pagdating ng suwerte, sa hulog ng langit:
kaya hinahalukay ng mga parokyano ng ukay-ukay hindi
lamang ang mga bunton ng damit kundi pati na rin ang mga
bulsa ng mga nabili nilang damit sa pag-asang
matatagpuan dito ang ilang dolyar na nakasingit, o
alahas na nakalimutang alisin ng dating may-ari.
Tunay ngang naging bahagi na ng buhay-Filipino sa ating
panahon ang ukay-ukay. Ibinandera na ito sa isang
eksibit ng mga likhang-sining sa isang gallery sa
Maynila. Ang kaisipang ukay-ukay ang baka rin
makapagpaliwanag kung bakit naging isa sa pinakaimportanteng
klase ng kontemporanyong sining sa Filipinas ang mixed
media na gumagamit ng mga found object—mga lumang bagay
o basura na napulot sa kung saan.
Itinanghal na rin sa pelikula ang ukay-ukay. Sa “Annie
B, Bida ng Ukay-Ukay, Bongga S’ya Day,” tampok si Jolina
Magdangal bilang ukay-ukay vendor na mahilig mag-goodtime
sa gabi. Ang tindera ng ukay-ukay ang tumatayo ngayon
bilang Annie Batungbakal ng kasalukuyan, isang bagong
arketipo para sa bagong milenyo.
Maging sa larangan ng karunungan ay naroon din ang
ukay-ukay. Ang pangunahing bilihan ng libro ngayon sa
Filipinas ay hindi na ang mga mega-bookstores kundi ang
maliliit at masisikip na Booksale outlet sa iba’t ibang
parte ng bansa na nagtitinda ng mga segunda-manong libro
mula sa Amerika. Ang Booksale ang ukay-ukay ng mga
intelektuwal at mambabasang Filipino.
At ilan sa atin ang may alam na pinapaksa na rin
angukay-ukay sa mga international conference at
tinatalakay sa mga refereed journal? “‘Ukay-ukay’
chic: Tales of fashion and trade in second-hand clothing
in the Philippine Cordillera” ang pamagat ng isang
seryosong pag-aaral na ginawa ng isang antropologong
taga-Canada.
Talaga namang laganap na ang ukay-ukay sa lipunang
Filipino. Hindi na mabilang ang mga bahay na
nagmistulang tahanang ukay-ukay sapagkat galing sa
ukay-ukay ang halos lahat ng gamit, mula sa bedsheet na
ikinukumot sa katawan hanggang sa mantel na itinatakip
sa hapag-kainan.
At malapit na ring lusubin ng ukay-ukay ang larangang
espiritwal. Sa labas ng bantog na simbahan ng Birhen ng
Manaoag sa Pangasinan, sumisingit na sa hanay ng mga tindera
ng kandilang pang-alay sa birhen ang mga ukayukay vendor
na lumalapit sa Diyos. |